dis/content: a journal of theory and practice December, 2000 Volume 3, Issue 3
Past Issues
About dis/content
Editorial Collective
Contributors
Contact Us
Submissions
Links
Home
  Two Poems
[continued]



Lagalag sa Makati

Alumpihit sa umaatikabong trapiko, wala ka pang trabaho at ilang buwan nang pasabit-sabit lamang.
Nagbibilang ng poste’t bituin, inaabot ng siyam-siyam.
Sumasala sa oras, narinig mo ang Like a Virgin ni Madonna.
Bulate sa tiyan o sa lupa? Batid mo ang likaw na bituka ng mga mariwasa, pero ang payo nila’y mangisay ka muna.
Mailap sa himas kung nagigipit . . .  .
“New World Order” na raw kaya balewala na ang iyong ngitngit. Kaladkarin mo ang baro’t saya habang nagpupuyos – 
Pinagtakluban na ng tala at putik ang pamumuti ng iyong mga mata.
Nakasupalpal sa pusod ang makinasyon ng burgesyang lipunan ngunit ano’ng magagawa?
“Mama, palimos nga.” [Sa malas, malas.]
Kapos-palad, kumain-dili, habang nagpipista ang mga bantaysalakay ng “demokrasya.”
Bagama’t laylay-dila na, hindi lamang lawit ang pusod o tumbong.
Sa talampakan mo’y nakintal ang hiroglipiko ng mga ginisa sa sariling mantika habang tinutukso ka ng katas-Saudi.
Magkano ba, Miss?” [Kalakalin ang sarili upang di magdildil ng poot.]
Natisod sa damo, baka ang talas mo’y sa bato tumalab. Ingat lang . . .  .
Ayaw mong magkamot ng tiyan. Malalamangan ba ng pagong ang unggoy?
Kalansay ng mga tangke at mga buto ng pumatay at namatay ang naghambalang sa disyertong inaangkin ng Kuwait at Iraq.
Kasarinlan? O pagsasarilinan?
Pumalaot ka sa Ayala Avenue, pikit-matang nilulunok ang bayag sa lalamunan.
Hipong tulog na tangay ng agos . . .  .
Humahagibis ang tren sa Dr. Zhivago pero hanggang Tutuban lang tayo.
Sa bartolina ng panaginip sumisingit at lumalagos ang amoy ng pulbura.



Previous section     Next section     Table of Contents