dis/content: a journal of theory and practice December, 2000 Volume 3, Issue 3
Past Issues
About dis/content
Editorial Collective
Contributors
Contact Us
Submissions
Links
Home
  Two Poems
[continued]



Megamall sa Metro Manila

Buhay alamang, isang kahig at tatlong tuka.
Pinuputakti ang balintataw mo ng sanlaksang bilihing istetsayd kahit di mo batid ang signipikasyon ng commodity fetishism.
Pakiramay na sa walang pera.
Maunlad na raw ang bayan. Utang natin ito sa mga “bagong bayani” – mga domestik (Overseas Contract Workers) sa Hong Kong, Singapore, Saudi at diyan sa Subic, Alabang, at tabi-tabi.
Wala nang barikada bagama’t patuloy ang pangangasab ng mga buwaya sa katihan.
Abot din ng baho ng Ilog Pasig ang mga boudoir sa Malacanang.
“Utang na loob” at “hiya” ang susi daw sa karakter ng Pinoy.
Pinanonood sa sine ang kagila-gilalas na karambulan nina Schwarzenegger, James Bond, Bruce Lee at Sigourney Weaver.
Baka mahamugan ang bumbunan mo ng tadhanang iginuhit.
Sa ikauunlad ng bayan, FREE TRADE ZONES at credit cards ang kailangan.
Lagot na . . .  . Salimbugaw – paglukso’y patay.
Upang masubukan kung tubog sa ginto, maghuramentado ka sa Jollibee.
Saanmang gubat may ahas, aprubado ng World Bank at International Monetary Fund.
Sa madlang humuhugos sa eskaleytor, atungal-baka at hinga-kabayo ang nakikisalamuha sa antena ng iyong budhi.
“Itsura mo, mukhang hampas-lupa.”
Sapagkat tumaas raw ang GNP, di na kailangan ang NPA.
Dumarami ang biktima ng pagsosona ng militar at sa Muntinlupa nabubulok ang mga bilanggong pampolitika.
Sagad-butong utang sa labas, paano ang utang na loob?
Ngunit hanggang ngayon wala pang dilihensiya, pare ko. Palpak ang estratehiya.
Nakamotorsiklo na ang pangarap.
Ingat pa rin ba? Sa kalingkingan lamang ang sakit pero . . . .
“Walanghiya’t ‘dinamay pa ako.” Kung apaw na sa takalan,
kailangang kalusin.



Previous section     Next section     Table of Contents